Menu

Philippine Standard Time:

CIP, Lumahok sa Koordinasyon para sa “Kongreso ng Mangingisda Para sa Kapayapaan at Kaunlaran”

Lumahok ang mga kinatawan mula sa Crisis Intervention Program (CIP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sina G. Romel D. Lachica, Project Development Officer IV at G. Nicole Paul T. Ranada, Social Welfare Officer II sa isinagawang coordination meeting na pinangunahan ng Philippine Information Agency (PIA) sa pakikipagtulungan ng Fish Right Program. Ang pagpupulong na ito ay bahagi ng mga paghahanda para sa nalalapit na forum na pinamagatang “Kongreso ng Mangingisda Para sa Kapayapaan at Kaunlaran,” na gaganapin sa darating na Nobyembre 12-14, 2025 sa Maynila.

Layunin ng kongresong ito na pag-isahin ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang lalawigan na nakapaligid sa West Philippine Sea, palakasin ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan (LGUs), at bumuo ng isang Declaration Agenda na magpapakita ng kanilang sama-samang paninindigan para protektahan ang kanilang karapatan, mapaunlad ang kanilang kabuhayan, at mapanatili ang yaman-dagat ng bansa.

Sa nasabing pagtitipon, ibinahagi ng mga kinatawan mula sa DSWD CIP ang mga programa ng ahensya, partikular ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Program na makatutulong sa mga mangingisdang naapektuhan ng kasalukuyang  krisis na dulot ng sitwasyon sa West Philippine Sea.

Ibinahagi rin ng kinatawan mula sa DSWD ang tungkol sa WiSupport Program, na naglalayong magbigay ng psychosocial support para sa mga mangingisdang maaaring nakararanas ng stress o nangangailangan ng psychological first aid.

Sa kabuuan, naging makabuluhan ang pagpupulong dahil nagbigay ito ng pagkakataon para sa mga ahensya ng pamahalaan na magtulungan tungo sa iisang layunin, ang kapayapaan, kaunlaran, at patuloy na pag-unlad ng buhay at kabuhayan ng ating mga mangingisda sa West Philippine Sea. 

 

Author: Nicole Paul T. Ranada

Crisis Intervention Unit Building, DSWD Compound, Constitution Hills, Batasan Complex, Quezon City, PH 1126

CONTACT US

inquiry@dswd.gov.ph
ciu.co@dswd.gov.ph

8962-2813/8951-7433

Monday – Friday (except holidays)
8:00 am – 5:00 pm