Naganap mula ika-11 hanggang ika-15 ng Agosto 2025 sa Makati City ang “Palitang Kuro Serye: Paghahabi at Paglinang ng Paglingap” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Crisis Intervention Program (CIP), na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa 17 Field Offices at iba pang kawani at mga opisyal ng DSWD, sa pangunguna ni Director Edwin S. Morata.
Idinisenyo ang seryeng ito upang tasahin at higit pang palakasin ang implementasyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program sa pamamagitan ng masinsinang konsultasyon kasama ang mga tagapagpatupad ng programa mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Layunin nitong pagsamahin ang mga kawani ng DSWD upang tukuyin ang mga hamon na kinahaharap ng AICS at bumuo ng mga mungkahing polisiya na mas nababagay upang matiyak ang maagap at responsableng tugon sa mga kliyente ng programa.
Ani Director Morata, “Ang Departamento ay bukas sa mga suhestiyon at rekomendasyon ng mga kawani nito na may layuning makatulong sa pagpapaunlad ng AICS program para sa kapakanan ng mga kliyente. Umaasa kami sa matagumpay na palitan ng mga ideya na magbubunga ng patuloy na pag-unlad ng programa.”
Patuloy na nagbibigay ang AICSprogram ng tulong pinansyal para sa pangangailangang medikal, burial, transportasyon, at iba pa sa mga itinalagang tanggapan ng DSWD.
